Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.
Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.
Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.
Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Sino nga ba tayo sa harapan ng Diyos? Isang katanungan na napakahalagang malaman ng lahat ng tao. Dahil dito rin nakasalalay ang paglago ng ating relasyon sa Diyos. Tayo ay nilikha nang ayon sa kanyang wangis. Hindi tayo Diyos. Hindi natin dapat hangarin na mapantayan o higitan pa ang Diyos. Isang napakagandang paalala sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo: “Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo.”
Kung maiintindihan natin ang mga salitang ito ni Jesus, malalaman natin kung saan tayo lulugar. Bagama’t ibinibigay sa atin ng Diyos ang lahat, pero dapat magkaroon pa rin tayo ng “contentment”. Alamin natin kung hanggang saan lang ang ating limitasyon. Huwag tayong umasta na mas marunong pa tayo sa Diyos. Tayo ay mga alagad na dapat matutong sumunod sa paggagabay at pagtuturo sa atin. Hayaan muna natin ang ating mga sarili na maturuan ng mabuti upang katulad ng ating Guro ay malampasan din natin ang mga pagsubok na ating hinaharap at haharapin pa sa buhay araw araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022