Ebanghelyo: Juan 19:25-27
(o Lucas 2:33-35) Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan
Pagninilay
Kung ating aalalahanin ang kuwentong ibinigay sa atin noong martes, ito ay patungkol sa kaisa-isang anak ng biyuda na namatay at inutusan ni Jesus na bumangon at bumalik sa kanyang ina. Ngayon, sa pagdiriwang natin nang Kapistahan ng Pagdadalamhati ni Maria, narinig natin ang tagpo kung saan si Maria ay labis na nagdadalamhati sa paanan ni Jesus na nakabayubay sa Krus. Nakita ni Jesus ang kanyang Ina at mga alagad. Batid niya kung ano kanilang nararamdaman. Sa kabila ng paghihirap ni Jesus sa Krus ay inalala pa rin Niya ang magiging kalagayan nila at ibinilin na pangalagaan ang isa’t isa.
Isang bagay na dapat nating harapin. Hindi naman sinasabing huwag nating damdamin at iyakan ang mga masasakit na pangyayari sa buhay natin. Pero dapat nating tandaan na mayroon pang mga tao ang dapat din nating pangalagaan na bahagi ng mga nakaatang sa ating responsibilidad. Hindi tayo puwedeng umiyak na lang nang umiyak. Umiyak ka at bigyan mo ang iyong sarili ng panahon na magdalamhati. Pagkatapos ay magbalik kang muli sa paglilingkod nang mas matatag, alang-alang sa habilin at
utos ni Jesus sa iyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022