Ebanghelyo: Lucas 13:31-35
Nang sandaling iyo’y dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na ’yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko.’ Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
“Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, iiwanan ang inyong Bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi na ninyo ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyo: Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
Pagninilay
Ang kamatayan ay pagkabigo, lalo’t higit kung hindi pa tapos ang pangarap ng isang tao. Pero para kay Jesus, ang kamatayan ay kasama sa plano ng Kanyang buhay at misyon: kailangan Niyang tanggapin at malayang yakapin ang kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit Siya, bilang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo ay nagkatawang-tao: upang sa pagkamatay ay magapi ang kamatayan. Nakakatakot isipin pero dapat na harapin nang may matatag na pagtitiwala sa Diyos Ama.
Magkahalo ang damdamin ni Jesus. Dahil sa pagmamahal Niya sa mga Hudyo at sa lahat ng tao tatanggapin Niya ang kamatayan. Pero tumatanggi sila. Ang pagtangging ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon sa tuwing tayo ay nagkakasala. “Jerusalem, Jerusalem!” Sa panahon natin ngayon, pangalan mo at pangalan ko ang sinasambit ni Jesus!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022