Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto.
Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Maaaring may mga napahiya sa mga panauhin dala ng pananalita ni Jesus. At baka mayroon ding nagalit! “Sino itong bisita lang rin namang katulad namin ay parang kung sino magsalita?” Inilagay ni Jesus ang sarili sa alanganin. At sa maraming pagkakataon nagalit sa kanya ang mga eskriba, pariseo, saduseo at mga pari ng templo dahil sa Kanyang mga pananalita.
Hindi magagawang magpabaya ni Jesus sa pangangaral at ituwid ang mga maling gawi. Yan ang Kanyang misyon. Alam Niya na may masasaktan pero ang Kanyang layunin ay hindi upang manakit kundi upang mapabuti pa nga ang kalagayan ng Kanyang mga tagapakinig sapagkat alam niya na mali ang kanilang ikinikilos.
May mga pagkakataon na dapat ding tumulad tayo kay Jesus. Itatama ang mali lalo na kung may kapwa na nasasagasaan o naaabuso. Pero nagaalinlangan tayo baka may mapahiya. Liwanagan nawa tayo ni Jesus at bigyan ng lakas ng loob na itama ang kapwa kahit siya ay masaktan dahil ito ang magdadala sa kanya sa kagalingan at mabuting pagkatao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022