Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!”
Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pagninilay
Nalilito ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda. Walang bisa kay Jesus ang kanilang kapangyarihan at hindi nila masaktan si Jesus pagkat kakampi Niya ang buong bayan. Ang mga punong-pari ang tagabantay sa kagalingan ng templo pero heto, pinakikialaman ni Jesus ang kanilang teritoryo. Ang templo ang bahay ng Diyos. Ito ang pinaninindigan ng mga punong-pari kaya dapat igalang. Iba ang pagtingin ni Jesus, ito ay bahay ng Diyos pero pugad ng mga magnanakaw. Iisang lugar pero magkatunggali ang pagturing dito ng mga punong-pari at ni Jesus. Ang pagtutunggaling ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon. Nagaganap ito kung ang mga sakramento ay itinuturing ng mga pari na mga paninda at mahalaga dahil sa kita na ipinapasok nito. Ganun din kung ang Simbahan ay kikilos lamang kung may katumbas na stipend, abuloy, koleksyon o anumang tawag sa pera kapalit ng serbisyo sa simbahan. Talagang magagalit si Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





