Ebanghelyo: Lucas 20:27-40
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na magaasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilangbuhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon.
Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”
Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
Paninilay
May kanya-kanya tayong imahinasyon kung ano ang kalagayan sa kabilang-buhay. Siyempre gusto natin ay maganda, punong-puno ng kaligayahan at pagmamahal. Pero sa totoo lang wala talagang nakapagbibigay ng detalye tungkol dito. Parang hindi rin tayo masyadong seryoso na italaga ang ating buhay para sa mangyayari pagkatapos mamatay. Alam natin kung ano ang mga kasalanan. Alam din natin na ang makasalanan ay hindi magtatamasa ng walang hanggang kaluwalhatian. Pero kung may pagkakataon na magnakaw at hindi mahuhuli lalo na kung malaking halaga ang nanakawin ay madaling gawin ito at hindi na iniisip ang kabilang buhay.
Bakit kaya? Ang tunay na nagpapakilos sa atin ay ang pag-ibig. Ang maalwan na buhay, ang kayamanan at ang kapangyarihan ay hindi tumitimo sa puso. Pag-ibig lang talaga ang nagbibigay katuturan sa buhay. Kaya kung pag-uusapan ang buhay sa kabila na wala ang pag-ibig hindi ito makakakumbinsi. Kaya ang Diyos lamang na siyang bukal ng pag-ibig ang magbubunsod sa atin na pangarapin nang may pag-aasam ang langit upang doon ay makakapiling natin Siya nang lubusan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





