Ebanghelyo: Lucas 21:34-36
Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Paninilay
May mga alalahanin na may solusyon. Gawin ang solusyon upang mawala ang alalahanin. May mga alalahanin na wala namang solusyon tulad ng pagdating ng kamatayan. Sa malaon at madali, talagang darating ang kamatayan. Ang pag-aalala tungkol dito ay walang saysay. Pero may mga alalahanin na hindi naman dapat nariyan. Kung tayo ay nagkakasala binabagabag tayo ng ating budhi. Totoo naman dahil ginawa tayo ng Diyos upang sumunod sa kanyang mga utos. Kaya pag tayo ay lumalabag, tayo ay naliligalig at nagugulo. Wala sa ating kalikasan ang magkasala. Sa madali’t sabi hindi ito ayon sa ating pagkatao. Kung tayo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos wala sa atin ang ganitong alalahanin. Hindi rin natin katatakutan ang pagdating ng kamatayan o ng katapusan ng mundo. Bakit tayo matatakot kung kasama natin si Jesus sa lahat ng sandali? Siya pa nga ang magbibigay sa atin ng kaaliwan ngayon at magpasawalang-hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022