Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian
ng Langit.
Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.
Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin.
Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Sino ang tunay na mapalad? Kadalasan para sa mga tao, ang sukatan ng pagiging mapalad ay ang pagkakaroon ng magandang pamumuhay, kawalan ng mahirap at mabigat na suliranin, samakatuwid ay isang “masarap na buhay.” Ayon sa ebanghelyo, ang mapalad ay yaong mga dukha sa espiritu; ang mga nagsisikap na sundin ang kalooban ng Diyos; ang mga malilinis ang puso; at ang mga inuusig ng dahil sa ngalan ng Diyos. Sila ang mga “anawim,” mga taong Diyos lamang ang tanging pag-asa. Ayon kay propeta Sofonias, ang mga matuwid at mabababang-loob ang siyang matatag sa pagsunod sa Diyos. Sila ang mga tunay na mapalad sapagkat kanilang makikita ang Diyos na siyang larawan ng mga turo ni Jesus sa burol na siyang simbolo ng pakikipagtagpo ng Diyos.
Hindi madali ang pagiging mapalad. Nakikita ito hindi lamang sa kalagayan ng buhay ngunit sa karakter at ugali ng tao. Hindi nangangahulugan na hindi na mapalad ang isang taong maganda ang kalalagayan sa buhay. Kahit maayos ang kanyang kalagayan, ngunit kung tulad ni Jesus na malapit ang puso at may pagkalinga sa mga dukha at nangangailangan, hindi siya nalalayo sa Kaharian ng Diyos. Ang diwa ng aral ni Jesus tungkol sa pagiging mapalad ay ang pagiging mababang-loob at mapanalig sa Diyos anuman ang kalagayan natin sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023