Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapagalmusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kan ya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pag tanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang mag bibigkis sa iyo sa hindi mo nais.”
Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
Nalungkot si Pedro nang makatatlong beses na nagtanong si Jesus kung iniibig niya ba ito. Nalungkot sapagkat ang labi na nagpahayag ng pagmamahal ay siya ring nagtatwa kay Jesus sa panahon ng kanyang pagpapakasakit. Ngunit ngayon ang labing ito ang siya pa ring nagpahayag ng labis na pagibig kay Jesus. Sa pagpapahayag ng pagibig na ito, inatasan siya ni Jesus na pakanin at ipastol ang kanyang tupa. Ito ang pagibig na hinihingi ni Jesus, ang pag-ibig na handang maglingkod at magalay ng sarili gaya ng Kanyang ginawa para sa lahat. Ito ang pag-ibig na hindi pumipili kung saan isugo, sa halip ay handang sundin ang kalooban ng Diyos. Kahit tayo’y nagkasala laban sa Panginoon, handa siyang tanggapin ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Kahit tayo’y makasalanan, han da siyang tanggapin ang ating paglilingkod sa Kanya. Mamamalagi siyang tatanggap sa atin sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





