Ebanghelyo: Marcos 10:28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga paguusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.
May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Pagninilay
Mas madaling maghanap ng kandidato para sa pagkakapitan o konsehal kaysa maghanap ng nais maging lay minister o katekista na maglilingkod sa pamayanan. Sa karanasan ng isang naglilingkod sa Simbahan, may mga pagkakataong pinanghihinaan ng loob kung may mga hinaharap na pagsubok sa buhay o di kaya’y mga hindi pagkakaunawaan. Minsa’y mapapatanong, “Ano ang makukuha ko sa paglilingkod?” Isa itong normal na karanasan ng naglilingkod sa Simbahan, subalit sa Ebanghelyo, pinaaalalahanan tayo ni Jesus na walang nagaalay ng kanyang sarili para sa Ebanghelyo na hindi gagantimpalaan. Ngunit ang gantimpala na ating inaasahan ay hindi makakamit dito sa lupa kundi sa hinihintay na ting buhay na walang hanggan. Sa ating mapagpakumbabang paglilingkod, makakaasa tayo na hindi tayo magiging huli sa Kaharian ng Langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





