Ebanghelyo: Mc 3: 1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik. Kaya galit nitang tiningnan silang lahat at lubhang nalulungkot sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
Alin ba ang mas tama – matigas na ulo o matigas na puso? Sa salin sa Ingles, ang ginamit sa ebanghelyo ay hardness of heart. Magkaugnay naman ang dalawa. Kaya nagiging matigas ang ulo ay dahil matigas ang puso ng tao. Kapag tumigas ang puso, ang isip ay hindi na nakakakilala at ang kamay ay ayaw nang kumilos. Wala nang pakiramdam. Ang nais ni Jesus ay malinis at masunuring puso na hindi pinatitigas ng kahalayan at kapalaluan. Ang nais ng Panginoon ay pusong marunong makadama ng pangangailangan ng kapwa. Matigas ang puso kapag hindi nakaririnig ng daing ng mga naghihirap. Manhid ang puso kapag ayaw makinig sa tawag ng pagbabago. Ayaw ng Panginoon sa ganyang uri ng puso na nakaugat sa matigas na ulong suwail at walang pakundangan. Lumalambot ang ulo kapag hinubog ng tamang aral. Natututuhan ang pagsunod at pagpapasailalim. Susunod na diyan ang paglambot ng puso. Kapag natanggap ng isip ang pangangailangang magpailalim, ang puso ay magiging mababang-loob. Tunay na magkaugnay ang hardness of heart at hardness of head. Kapwa sila hadlang sa paglago sa kabanalan. Pareho silang huhubugin upang umunlad sa katuwiran at kabutihan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





