Ebanghelyo: Mt 6: 1-6, 16-18*
(…) Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitangtao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
May tatsulok ang buhay– kabanalan na siyang hinihingi sa panahon ng kuwaresma. Ang tatlong ito ay binabanggit sa ebanghelyo para sa Miyerkules ng Abo – panalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa. Isa-sahin nating pagnilayan. PANALANGIN. Wika ng Panginoon, kapag tayo ay nananalangin ay pumasok tayo sa ating silid. Ang tinutukoy na silid sa wikang Griego ay bodega. Doon ay walang taong makakakita sa ating pagdarasal. Hindi tayo papalakpakan. Ganoon ang panalanging nais ng Diyos. Tahimik at hindi naghahangad ng papuri ng madla. PAG-AAYUNO. Hindi rin dapat maging pakitang-tao ang pag-aayuno. Walang saysay ang sakripisyo sa pagkain kung ito ay ipinapahanga sa iba. Ang anumang pagtitiis ay hindi ipinagmamakapuri. Isinasama ito sa mismong sakripisyo ni Jesus. PAGKAKAWANG-GAWA. Ang ayuno at abstinensiya ay may naglalayong makatulong sa mga dukha. Sa ating pagsasakripisyo sa pagkain ay dapat tumanggap ang mga kapus-palad. Ibabahagi sa kanila ang sana’y para sa atin. Hindi rin ito ipamamalita. Tahimik na gagawin at may kasamang dalisay na pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





