Ebanghelyo: Mc 12: 28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Madalas na nahuhulog ang tao sa kaisipang “stereotyping” o mabilis na panghuhusga sa iba base sa nakalakhan o nakasanayang pagtingin ng karamihan. Sa Bibliya, kapag nababanggit ang mga Pariseo at Sadduseo, una marahil na pumapasok sa isip na sila ang mga kumakalaban kay Jesus at walang ginawang anumang mabuti para sa Kanya. Wala na silang kakayanang umunawa at gumawa ng tama at mabuti. Subalit, malinaw na sinabi ni Jesus sa isang Sadduseo: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Ito’y nangyari matapos niyang ulitin ang sinabi ni Jesus tungkol sa dawalang pinakamahalagang utos. Higit na nakikilala natin ang isang tao sa pamamagitan ng ating pakikipag-usap sa kanya. Hindi dahil may iisang pagtingin ang karamihan tungkol sa kanya, mabilis na natin siyang ituturing na ganito. Bawat isa ay may kanya-kanyang paraan para mapatunayan ang tunay niyang pagkatao sa publiko. Katulad ni Jesus, ‘wag nating isara ang ating isip tungkol sa iba. ‘Wag maging “judgmental,” ‘ika nga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





