Ebanghelyo: Lc 18: 9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buKar na iyan. Dalawang beses akong nagaayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buKar at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Nag-aksaya ng mga salita ang Pariseo. Ang ipinamalas niya’y kayabangan ng kanyang puso na hindi kinalugdan ng Diyos. Subalit, naglaan naman ng mahalagang oras ang isang publikano sa kanyang pananalangin. Kahit man walang salita, ipinakita naman niya ang pagiging mapagpakumbaba na siyang ikinalulugod ng Diyos. Hindi kailangang ipamukha sa Diyos ang ating kagalingan o kahusayan. Ito’y pagpupuri sa sarili at hindi sa Diyos. Lalong hindi kailangang ikumpara ang sarili sa iba at maliitin sila para lamang mapagbigyan tayo sa ating mga kahilingan. Ito’y hindi panalangin ng pagpupuri kundi paninirang-puri. Sa pananalangin, kung minsan, hindi kinakailangan ang mga salita. Ang ating abang presensya sa harap ng Diyos ay sapat na para tingnan Niya ang laman ng ating puso. Ang lubhang pagsisisi ay tanda ng pusong hindi man lamang makahiling ng anumang bagay mula sa Diyos sapagkat alam nitong mas mahalaga ang pagpapatawad Niya kaysa anupaman. Malaki nang biyaya ang awa at habag ng Panginoon. Ngayong panahon ng Kuwaresma, manalangin nang tama at taimtim… kahit walang salita pero punungpuno naman ng pagpapakumbaba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





