Ebanghelyo: Jn 8: 31-42*
Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: “Kung mamamalagi kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at maintindihan ninyo ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hinding-hindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo’?” Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi namamalagi magpakailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. (…) Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa sana ni Abraham ang inyong ginagawa. Ngunit ngayon, hangad n’yo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. Mga gawa nga ng inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Hindi kami mga anak sa labas. Isang ama lamang meron kami – ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito. Dumating ako hindi sa ganang
Pagninilay
Paano manatili sa salita ni Jesus? Mapatutunayan ng isang Kristiyano ang kanyang pananatili sa salita ni Jesus kung nakikita sa kanyang pamumuhay ang kasunuran sa Kanyang mga utos at tagubilin. Madaling sabihin na, “Saradong Katoliko ako!” Pero, kinakailangan itong makita sa gawa. May mga nagpapahayag na sila’y katoliko pero hindi naman nakatutupad ng kanilang tungkuling sumimba kung Linggo. Mayroon din namang hayagang nagsisimba subalit taliwas naman sa salita ng Diyos ang uri ng kanilang pamumuhay. Madaling sabihin pero mahirap gawin. Kapag ang isang taong sumasampalataya kay Kristo ay alipin ng pagkakasala, hindi malalim ang kanyang pananampalataya. Itinataas niya ang kanyang kanang kamay sa pagpupugay sa Diyos; ang kaliwa nama’y gumagawa ng masama. Ginagamit niya ang kanyang bibig sa pagpupuri sa Diyos; subalit, ginagamit din niya ito sa paninirang-puri ng kapwa. Ang puso niya’y umiibig sa Diyos na hindi niya nakikita; subalit, nababalutan din ito ng poot o galit sa kanyang kapwatao. Tunay nga na ang pamamalagi sa salita ni Jesus ay katiyakan ng Kanyang pagiging alagad. Nawa’y huwag maging balakid ang ating paggawa sa ating pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




