Ebanghelyo: Jn 3: 7b-15
Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.” Sumagot sa kanya si Nicodemo: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n’yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
Pagninilay
Anumang taas nang pinag-aralan at talino ng isang tao, hindi ito katumbas ng pakakaroon ng banal na kaalaman. Kahit pa man ang mga taong nagtuturo tungkol sa pananampalataya at tungkol sa Diyos! Kaya hinamon ni Jesus si Nicodemo na isang guro ng Israel kung bakit wala siyang alam sa tinuturo Niya tungkol sa Espiritu Santo kayat hindi siya nananiniwala. Sabi nga nila, “Delikado ang kaunting karunungan.” Gaano man kataas ang pinag-aralan at kadami ng kaalamang nakamit, maliit pa rin ito kumpara sa Karunungan ng Diyos! Kaya iwasan nating matukso at malason sa sariling paniniwala na sapat na ang ating kaalaman at maging sarado sa pagtanggap ng mga bagay na pinapahayag ni Jesus sa pamamagitan ng banal na Espiritu. Dahil tunay ngang si Jesus lamang ang tanging Daan, ang Katotohan at ang Buhay! Kanino pa ba tayo dapat maniniwala?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





