Ebanghelyo: Jn 3: 16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Ang pakay ni Jesus sa atin ay hindi para ipamukha kung gaano tayo kababa dahil sa ating mga kasalanan, at para husgahan. Nais Niyang dalhin tayo sa liwanag na nasa Kanyang Katauhan at sa pagmamahal ng Ama. Ngunit sadyang mas ninanais pa nating manatili sa kadiliman ng ating kamangmangan, kasakiman, at pagkamakasarili. Mas pinipili ang mas madali at maginhawang buhay, kung kaya tayo na mismo ang lumalayo at isinasara ang sarili sa Diyos. Dahil sa ating mga nakasayanang gawi, kahit pa man ito ay mali o nakakasama sa buhay natin, ayaw na nating baguhin. Umiiwas tayong maabala o mawala sa ang ating “comfort zone”. Dahil dito, hindi natin nakakamit ang tunay na kaginhawahan, kapayapaan at kaligayahang handog ni Jesus sa atin. Kaya hindi si Jesus ang nagdadala sa ating kapahamakan kundi tayo mismo. Dahil sa uri ng ating mga “choices” o pagpili sa buhay. Kaya suriin natin nang Mabuti kung ano ang ating mga pinipili at sino ang ating pinipili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





