Ebanghelyo: Lc 1: 39-56*
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! (…).” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtasdahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walangwala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” (…)
Pagninilay
Ang kuwento ng dalawang marangal at pinagpalang mga Babae na si Elizabeth at Maria ay isang pagsaksi kung paano dapat mananatili sa pananampalataya. Ito’y lalong lalo na sa harap ng pagsubok, gaano man kahaba ito tulad ng pagsubok kay Elizabeth sa kanyang paghihintay na magkaanak. Sa haba ng panahon ng paghihintay at sa kabila ng paghamak ng iba dahil sila’y walang anak ng kanyang asawa, si Elizabeth ay patuloy na umaasa at naniniwala sa plano ng Diyos sa kanya hanggang siya ay tumanda. Sa kabilang dako naman ay ang pagkatao ng ating Banal na Inang si Maria at ang kanyang paglaan ng sarili na may kababaang-loob para sa Plano ng Diyos. Anong kahiwagahan at galak na kanilang naramdaman sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan nilang dalawa! Kapwa sila may malalim na pananampalataya at umaasa sa Pangako ng Diyos. Inilaan nila ang kanilang mga sarili para maisakatuparan ang Kanyang banal na kalooban. Silang dalawa ay kapwa nakahanap ng matatag na karamay sa isat-isa. Tayo rin ay hinahamon na maging saksi ng ating pananampalataya at maging sandigan ng ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





