Ebanghelyo: Mt 10: 34 — 11: 1
Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa sa akin ang sinumang di nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Ang nakakatagpo ng buhay niya ang mawawalan nito at ang nawawalan ng buhay niya alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala. Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay
Ang pangkaraniwang pagkakilala natin kay Jesus ay Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan, na nagbibigay sa ating kalooban ng mapayapang damdamin at kapanatagan sa gitna ng mundong masalimuot at tuwina’y may kaguluhan. Pero ayon kay San Mateo (10:34- 35), dumating ang Panginoong Jesukristo sa mundo hindi para magdala ng kapayapaan kundi tabak. Paano kaya natin uunawain ang ganitong klaseng Mabuting Balita? Mainam na tanggapin natin na seloso ang ating Diyos. Ang Kanyang pagkaselos ay hindi para sa Kanyang kapakanan, kundi para sa atin. Hangad ng Manlilikha at Tagapagligtas na mahalin natin Siya ng higit pa sa pagmamahal na maari nating maibigay sa kahit kanino at kahit anong bagay. Sa kanya lamang tayo makakaranas ng tunay na pag-ibig na makapagliligtas sa atin sa kapahamakan. Ang dala Niyang tabak ay sumasalamin ng radikal na pagputol o pagtigil sa mga maling gawain o pamumuhay na salungat sa Kanyang kalooban, na tiyak na magdadala sa atin sa kapahamakan dahil tayo ay mahihiwalay sa Kanya. Siya lamang ang nakapagbibigay ng tunay na buhay at pag-ibig na walang katapusan. Ang nais ng Diyos ay mahalin natin Siya ng higit pa sa lahat dahil sa piling Niya, tayo ay maliligtas sa kamatayan at anumang kapahamakan.
© Copyright Pang Araw-araw 2024





