Ebanghelyo: Jn 6: 24-35
Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?” Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.” Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigaybuhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hindinghindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.
Pagninilay
Ang pagkain ay kasama ng tubig, hangin, at tirahan o tahanan bilang pangunahing pangangailangan ng tao. Kapag ito ay hindi sapat na natatanggap, may malaking epekto ito sa magiging kalidad ng buhay, at magiging dahilan ng reklamo o pag-alboroto hindi lang ng sikmura, pati na rin ng kalooban ng taong gutom o hindi nasiyahan sa kanyang nakain. Likas pa naman sa tao na maging makasarili at isipin ang pansariling kapakanan lamang sa panahon ng kasalatan o kakulangan. Ganito ang ipinakitang ugali ng buong pamayanan ng Israel noong sila ay nasa disyerto. Sila ay naging reklamador at nagpamalas nila kay Moises ang kakulangan sa pasasalamat at pagkalimot sa napakaraming biyayang ibinunyag sa kanila ni Yahweh nang sila ay nasa Ehipto. Dahil dito, binigyan sila ng Diyos ng pagkaing karne at Manna. Hindi nagtagal nagreklamo ulit sila dahil nagsawa sila sa bigay ng Diyos. Sila ay naging tamang halimbawa ng Lumang Tao na binanggit ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Maraming pagkakataon sa ating buhay na tayo ay lumalapit sa Diyos dahil sa mga materyal o pisikal na biyayang nararanasan natin sa piling Niya bunga ng Kanyang pagmamahal at pagkalinga sa atin. Subalit, mas ninais ng Diyos na tayo ay makipag-ugnayan sa Kanya hindi dahil sa mga “pagkaing nasisira” at nakakabusog sa pangangailan ng ating katawang-lupa. Kilalanin natin si Jesus, ang “Tinapay ng Buhay.” Sa pamamagitan Niya, kasama Niya, at sa Kanya lang tayo tunay na makakaranas ng buhay na walang hanggan at kailanman ay hindi na tayo makakatikim ng anumang klase ng pagkagutom o pagkauhaw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024