Ebanghelyo: Jn 12: 24-26
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa kanyang sarili sa mundong ito. Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
Pagninilay
Kung pagmamasdan at susuriin nating maigi ang kalikasan, maraming aspeto na ang isang anyo ay kailangan mawala o mamatay muna sa isang bagay o buhay bago lumabas ang kaganapan nito. Halimbawa, alam natin na ang isang uod o higad ay kailangang dumaan sa pagbabagong-anyo bago maging isang gamu-gamo o paru-paro. Anumang uri ng itlog ay kailangan mapisa bago magkaroon ng sisiw, pawikan, butiki, at iba pang hayop. Ito ay hindi nalalayo sa halimbawa na mababasa natin sa ebanghelyo na ang isang butil ng trigo ay mamamalaging nag-iisa kung hindi ito mahuhulog sa lupa, mamatay, magiging tanim, at mamumunga. Ganito rin ang procesong dadaanan ng sinumang gustong sumunod at maging alagad ni Kristo. Kinakailangang itakwil o isantabi ang pansariling ambisyon at mga personal na mga plano sa buhay upang mabigyan ng sapat na puwang ang plano ng Diyos at ang pagtalima sa Kanyang kalooban. Ito ay nangangahulugan ng maraming sakripisyo at pag-aalay ng sarili para sa Diyos, at pagsunod sa Kanyang kagustuhan. Ikinagagalak ng Panginoon ang malugod na nagbibigay, at bukal sa kalooban na naglilingkod sa Kanya. Ang kapalit nito ay buhay na walang hanggan sa kapiling ng Ama at walang katapusang ugnayan sa Diyos na nakaugat sa pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





