Ebanghelyo: Jn 6: 41-51
Kaya nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya dahil sinabi niyang: “Ako siyang tinapay na pumanaog mula sa Langit.” At sinabi nila, “Di ba’t ito si Jesus na anak ni Jose? Di ba’t kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya ngayong masasabing ‘Mula sa Langit ako pumanaog?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Huwag na kayong
magbulungbulungan pa sa isa’t isa. Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala. Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
Bilang tao, natural sa atin ang mapagod at naisin ng sumuko sa pakikipaglaban sa iba’t-ibang uri ng pagsubok ng buhay. Kung minsan ang pagod ay panandalian, dahil ito ay pisikal lamang, at humihingi lang ang katawan ng sapat na pahinga, pagkain, tubig, o sariwang hangin upang maging masigla muli ang utak, damdamin at pangangatawan. Ito ang naranasang pagod ni Elias sa kanyang paglalakad sa disyerto. Pagkatapos niyang makakain, uminom ng tubig at makatulog sa tulong ng isang anghel, siya ay muling nakabangon at ipinagpatuloy ang paglalakad patungo sa Bundok ng Horeb. Mas matindi ang mga nararanasang pagod sa buhay ng iba dulot ng sobrang pag-iisip (overthinking), o sa kawalan ng kalusugan sa pag-iisip (lack of mental health) bunga ng mga negatibong karanasan sa buhay. Meron ding mga nakaranas ng pagkasawi sa pag-ibig (broken heartedness) dahil sa panloloko o pagtataksil ng kanilang minamahal. May iilan pa nga na nakakaranas ng pagkawasak ng diwa (shattered spirit) o ang malagay ang kaluluwa sa kadiliman (dark night of the soul). Ang mga karanasang ito ay hindi biro-biro at ang iba ay hindi nagkaroon ng tamang pag-iisip upang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay sa buhay. Sa ganitong pagkapagod sa buhay, wala ng iba pang hihigit sa kapangyarihan ni Jesus na siyang Tinapay ng Buhay. Tanging ang Diyos lamang, na pinagmulan ng buhay, ang makapagbibigay ng tunay na lakas at kakayahan upang ipagpatuloy ang paglalakbay at pakikipaglaban sa unos ng buhay. Gabayan nawa tayo ng Espiritu upang buksan natin ang ating puso at isipan upang madama natin ang pag-ibig ng Diyos at harapin ang hamon sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024