Ebanghelyo: Mt 25: 14-30*
Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang-bayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis. (…) Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. (…) Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: (…) nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. (…)
Pagninilay
Dalawa ang pinakamalakas na pwersa o enerhiya sa buong sansinukob. Ang una ay pag-ibig, at ang pangalawa ay ang takot. Malikhain at positibong enerhiya ang pagibig, at negatibo naman at nakakalumpo naman ang enerhiya na dulot ng takot. Kung gagawin natin na mas payak ang pagkakaiba ng dalawa, maari nating sabihin na ang puwersa ng pag-ibig ay nakapagbibigay buhay, habang ang puwersa ng takot ay nagdudulot ng kamatayan. Sa ebanghelyo, maliwanag na takot ang nagudyok sa taong nakatanggap ng isang talento. Sa takot niya, wala siyang ginawa at hindi siya nakipagsapalaran sa binigay sa kanya. Siya ay naduwag at hindi na kumilos. Sa bandang huli siya ay tinaguriang walang kwenta at masama. Ang malungkot pa ay binawi sa kanya ang kaisaisang talento na ibinigay dahil wala siyang silbi. Ang Diyos natin ay Diyos ng pag-ibig. Tayo ay tinatawag Niya na mabuhay sa mundo ng nagmamahal sa Kanya ng higit sa lahat at magmahal sa kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili. Ang taong nagmamahal ay tumataya, pumupusta sa tadhana, tumatahak sa panganib hawak ang pananalig sa Diyos, at higit sa lahat, umaasa sa kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos na ang lahat ay bubuti sa Kanyang dakilang kamay at awa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




