Ebanghelyo: Lc 6: 39-42
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Pagninilay
Sa pagbasa, ginamit ni San Pablo ang buhay ng mga atleta, at ang kanilang paghihirap upang makamtan lamang ang koronang nalalaos. Kung aaralin natin ang halimbawa na ginamit ni San Pablo, maraming mga bagay na makakatulong sa atin upang pag-ibayuhin ang pagsunod sa ating Panginoon. Sa totoo lang, tama si San Pablo. Ang mga atleta ay dumadaan sa napakaraming sakripisyo, disiplina, maraming oras sa pag-eensayo ang ginugugol, pagtitiis, pagtutok, dedikasyon, at marami pang iba. Kung sa kabila ng lahat na ito, ang atleta ay magwawagi, isang napakagandang karanasan ang maidudulot nito. Ngunit, sa paglipas ng panahon, ang lahat ng tropeo, gantimpala, kasikatan, at sarap ng pakiramdam sa pagkawagi ay nalalaos, naaagnas, at nakakalimutan. Hindi ba’t tama lang na ibigay natin ang mas maraming oras, pagod, sakripisyo at pagsisikap para sa gantimpalang walang katapusan na alok ng Diyos sa piling Niya sa Kahariang walang hanggan? Sa tulong ni San Pablo, matuto nawa tayo na takbuhin ang karera ng buhay bilang mga disiplinadong mga atleta ni Jesus na handang gawin ang kinakailangan upang mapanalunan ang korona ng langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024