Ebanghelyo: Mc 8: 27-35
At pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya.” At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: “Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong-tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan niya si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.” At tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.
Pagninilay
Hindi madaling maging disipulo ni JesuKristo. Sa ebanghelyo, maliwanag ang mga kondisyon sa pagsunod sa Kanya. Nagsisimula ang lahat sa kilos ng Diyos. Siya ang unang nag-aanyaya, nagtatawag, at nangangatok sa puso ng tao upang Siya’y sundan at paglingkuran. Sa kasaysayan ng kaligtasan ng tao, ang Diyos palagi ang nagsisimula ng pakikipag diyalogo sa tao. Siya ang lumikha, Siya rin ang may plano, at Siya rin ang nag-aanyaya sa tao na tumugon, at makipagtipan sa Kanya. Gayun pa man, ang mapait na katotohanan, hindi lahat ng tinatawag ay nakikinig at nakakakilala sa bulong o tinig ng Diyos. Napakaraming tao ang bingi o di kaya ay nabubuhay sa matinding ingay ng sarili at mundo na nagpapalabo sa tinig ng Diyos. Ang susunod na elemento ng pagiging disipulo ay ang pagnanais ng taong nakatanggap at nakarinig ng tawag na mula sa Diyos. Dapat nating maintindihan na hindi lahat ng nakarinig ng tawag ay gustong sumunod sa Kanya. Meron talagang ayaw sumunod, meron din na ‘deadma’ lang at walang pakialam o ayaw makialam sa mga bagay na may kinalaman sa tunay na bokasyon ng tao. Mayroon ding mga tao na pwedeng ituring na ‘gusto ko … subalit…’ Ito yung mga taong may ibang prayoridad sa buhay at abala sa makamundong mga bagay. Ika nga ng kasabihan, “kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024