Ebanghelyo: Lc 11: 29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Matagumpay ang naging misyon ni Jonas sa Ninive. Sa kabila ito ng kanyang kakulangan sa pananampalataya at kawalan pag-unawa sa mga plano ng Diyos. Nailigtas niya ang bayan sa nakatakdang pagkasira dahil sa kanilang kasalanan. Ganito rin ang batayan ng pagliligtas at pagmamahal ng Diyos Ama sa sangkatauhan. Kung hindi ito naging sapat na palatandaan sa pagmamahal ng Diyos, hindi natin maiintindihan si Jesus. Kung naging matagumpay ang misyon na pagliligtas ni Jonas, si Jesus ay mas higit pa kay Jonas. Ang Diyos na nagmamahal ay laging matagumpay sa kanyang gawain. Kung naghahangad tayo ng mga palatandaan, kinakailangan lang nating masdan ang ating kapaligiran at naroroon ang mga kasagutan. Sa kabila ng ating mga pagmamataas at paghingi ng mga palatandaan sa pagbabalik-loob sa Diyos, nakahanda pa rin Siyang tayo ay kanyang patatawarin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





