Ebanghelyo: Lucas 5:27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.”
Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
Pagninilay
Kapag ang isang pintor ay lumilikha ng larawan ng mga santo o banal, dinadagdag niya ang isang bilog sa ibabaw ng kanilang mga ulo. Ito’y simbolo ng liwanag na lumalabas sa katawan ng santo o banal. Ayon sa tradisyon ng Simbahan, para talagang may liwanag na lumabas sa mga banal noong sila’y nabubuhay pa.
Sa unang pagbasa sinulat ni Isaias na ayon sa gawa ng tao, magniningning ang kanyang liwanag. Nararapat nating iwasan ang pagiging malupit sa kapwa, ang masanay sa finger-pointing, at ang pagbibitaw ng masasakit na salita. Yan nga ang ginawa ng mga Pariseo. Inakala nila na sila’y “malusog”. kaya hindi nila tinanggap ang anumang pagpapagaling na mula kay Jesus.
Ang mga tao katulad ni Mateo, na sa una ay makasarili at kurakot, ay nagbagong-buhay. Narinig nga nila ang tawag ng Panginoon, na nagsabi sa kanila na “Sumunod ka sa akin”. Si Mateo ay nagpapakita ng malasakit sa mga nagugutom at nagbigay ginhawa sa mga naaapi, kaya nagniningning hanggang ngayon ang kanyang liwanag. Sa kanyang halimbawa, tumindig din tayo na may malayang puso at sumunod kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2025