Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Pagninilay
“May katarungan ang Diyos.” Hindi pare-parehas ang natatanggap ng bawat isa. May mga lumalaki sa kaginhawaan at may mga lumalaki na nagdurusa. Dahil dito, may mga nagsasabi na “life is unfair”. Tayong mga Kristiyano ay nagkakaroon ng positibong pananaw sa mundo at naniniwala na “God is just”. May katarungan ang Diyos at mayroon din Siyang magandang plano para sa mga umiibig sa kanya (cf. 1 Cor 2:9). Marami ang maaaring matutunan natin sa parabola ng mayaman at ng pulubi. Una, kung ikaw ay nabibilang sa mga tinatawag na “mayaman”. pasalamatan ang Diyos na Siya ang bukal ng lahat ng pagpapala, maging ito’y espirituwal o materyal, at palagi nawa nating ibahagi ang mga kaloob nito. Hindi pinapunta sa impiyerno ang mayaman ng dahil siya’y mayaman, kundi dahil siya’y “bulag” sa pangangailangan ng kapwa. Pangalawa, kung sa tingin natin tayo’y kapos, ingatan ang puso na huwag magtanim ng sama
ng loob, inggit o galit sa kapwa. Hindi dinala sa langit si Lazaro nang dahil siya’y dukha, kundi dahil walang kadustaan o poot sa kanyang puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2025