Ebanghelyo: Lucas 24:1-12
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang-maagang nagpunta sa libingan ang mga babae, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang makita nilang naigulong na ang bato sa libingan, pumasok sila pero hindi nila nakita roon ang katawan ng Panginoong Jesus. At habang nalilito sila dahil dito, dalawang lalaking may nakasisilaw na damit ang napakita sa kanila. Sumubsob sa lupa ang mga babae sa takot ngunit kinausap sila ng mga ito: “Bakit sa piling ng mga patay ninyo hinahanap siyang nabubuhay? Wala siya rito, binuhay siya. Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya: ‘Kailangang ibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan, ipako sa krus at mabuhay sa ikatlong araw’.” At naalaala nila ang sinabi ni Jesus. Pagbabalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ito sa Labingisa at sa lahat. Sila sina Maria Magdalena, Juana at Mariang inani Jaime. At gayon din ang sinabi sa mga apostol ng iba pang mga abaeng kasama nila. Pero hindi sila naniwala sa kanila kundi inakala nilang guniguni lamang ang lahat ng ito. Gayon pa man, tumindig si Pedro at tumakbo sa libingan; yumuko siya at ang mga telang linen lamang ang nakita, at umuwing nagtataka sa nangyari.
Pagninilay
“Nabuhay na mag-uli ang Panginoon at pinawi ang dilim.” Walang may gusto ng “sad endings” sa mga pelikula o teleserye, lalo pa sa tunay na buhay. Kaya naman, salamat sa Diyos, ang buhay Kristiyano’y hindi nagtatapos sa “sad ending.” Ang 40-araw ng pananalangin, pagaayuno
at pag-aabstinesya ay bahagi ng pagdadalisay bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ang mga Mahal na Araw ay hindi nagtatapos sa “sad ending” ng Biyernes Santo. Kaya nga nagtitipon tayo Sa Gabi ng Pagtatanod sa Pasko ng Pagkabuhay upang ipahayag na hindi sa kamatayan nagtatapos ang buhay nating mga Kristiyano. Kung paanong nabuhay na maguli ang Panginoon at pinawi ang dilim, tayo rin ay pinagkakalooban nya ng bagong buhay at kapangyarihan upang pagtagumpayan anumang paghihirap, sakit, kalungkutan, kadiliman na ating pinagdaraanan. Nakakaramdam ka ba ng kawalang pag-asa at depresyon? Huwag kang susuko, subalit isuko mo sa Diyos ang iyong pasanin at alalahanin. Hindi pa tapos ang kwento ng buhay mo. Hayaan mo na ang Panginoong Muling Nabuhay ang magtapos dito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025