Ebanghelyo: Lucas 24:13-35*
Nang araw ring iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. (…) Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. (…) At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Pagninilay
“Nabuksan ang kanilang mga mata.” Ang ating buhay ay isang paglalakbay kung saan sa ating mga karanasan ng pagbasak at pagbangon at sa pagpapatuloy ng paglalakbay sa kabila ng kabiguan ay matatagpuan natin ang presensya ng Panginoong Muling Nabuhay. Ito ang karanasan ng lalaking ipinangak na lumpo na pinagaling nina Juan at Pedro sa pangalan ni Jesus. Taglay ang bagong buhay kay Kristo, tumindig sya, lumakad at palundag lundag na Nagpuri sa Diyos. Sa ating Ebanghelyo, sinabayan ni Jesus sa paglalakbay sa daan patungong Emmaus, ang dalawang alagad na nanlulupaypay dahil sa kalungkutan at kabiguan. Ikinuwento ng dalawa kay Jesus, na pa di nila nakikilala, ang pagkamatay ng propetang inaasahan nilang magliligtas sa kanila, at ang balitang muli itong nabuhay at nagpakita sa ilang mga alagad. Sa paghahati-hati ng tinapay, binuksan nya ang kanilang mga mata. At kanilang nakilala na ang Panginoong Muling Nabuhay ang nakipaglakbay sa kanila. Kaya pala ang kanilang puso’y may
pag-aalab na di maipaliwanag sa kanilang paglalakbay. Sa mga panahon ng pagkabigo at kawalang pag-asa, ang Panginoong Muling Nabuhay ay patuloy na nakikipaglakbay sa atin. Bagama’t di natin sya nakikilala o di nauunawaan ang ating mga karanasan, damhin natin ang pag-aalab ng ating puso na nagpapahayag ng kanyang presensya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025