Ebanghelyo: Juan 3:1-8
May isang taong kabilang sa mga Pariseo Nicodemo ang pangalan niya – pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na guro kang galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo kung hindi sumasakanya ang
Diyos.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Di ba’t hindi siya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang uli?” Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makapapasok sa kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula
sa Espiritu.”
Pagninilay
“Walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli.” Ang Muling Pagkabuhay ay karanasan ng pagsilang. Kung paanong ang isang sanggol ay isinisilang mula sa kadiliman ng sinapupunan ng Ina patungo sa liwanag ng buhay, naranasan ng mga apostol kung paanong isilang mula sa kadiliman ng kawalang pag-asa tungo sa liwanag ng bagong pag-asa, mula sa kadiliman ng takot tungo sa liwanag ng tapang ng loob. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin na mula sa kadiliman ng pag-uusig na kinakaharap ng mga apostol, sila ay pinuspos ng Espiritu at nakaranas na isilang na muli at magkaroon ng bagong buhay kay Kristo. Sa ating ebanghelyo, matutunghayan natin ang patagong pakikipagtagpo ni Nicodemo kay Jesus. Siya ay isang makapangyarihang pariseo, miyembro ng Sanhedrin at lihim na tagasunod ni Jesus kaya nagtungo sya kay Jesus ng gabi. Sa kanilang pagtatagpo, inanyayahan sya ni Jesus na isilang na muli sa Espiritu, upang mula sa kadiliman ng lihim na pagsunod, siya lumakad sa liwanag ng pagiging malayang tagasunod. Hilingin natin ang biyaya ng Muling Pagkabuhay, na isilang tayong muli sa Espiritu, upang mamatay tayo sa ating lumang pagkatao, talikdan ang makamundong pagpapahalaga at mabuhay sa liwanag ng Mabuting Balita.
© Copyright Pang Araw-araw 2025