Ebanghelyo: Juan 10:1-10
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at
magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
Pagninilay
“Ako siyang pintuan ng mga tupa.” Ang mga Hudyo ay ang lahing hinirang ng Diyos. Sa kanila nagmula ang mesiyas, at sa kanila unang ipinahayag ang mabuting balita ng kaligtasan. Sila na sumampalataya at tumanggap kay Jesus bilang mesiyas ang mga naging unang Kristiyano. Ito ang konteksto ng Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nag “react” ang mga Hudyong naging Kristiyano nang mabalitaan nilang ipinahayag din sa mga Hentil ang Mabuting Balita. Mahirap itong tanggapin sapagkat itinuturing ng mga Hudyo na marumi ang mga hentil, kaya paanong pipiliin ng Diyos ang marumi? Kaya nga ikinuwento sa kanila ni Pedro ang kanyang pangitain at ang nasaksihang paglukob ng Espiritu Santo sa mga hentil. Ito ay pagpapatunay na ang pagmamahal ng Diyos ay walang sukat at ang kaligtasan ay para sa lahat. Sa Ebanghelyo, isinasaad na ang pananalig at pagtanggap kay Jesus bilang tagapagligtas ang pintuan na maghahatid sa atin sa pastulan ng buhay na walang hanggan. Inaanyayahan tayo ng mga pagbasa na lampasan angmentalidad ng “exclusivity” at maging “inclusive”, palawakin ang pagyakap sa mga taong itinuturing ng lipunan na marumi. Ang kaligtasan ay para rin sa kanila at misyon natin ang magpastol sa isa’t isa upang ang lahat ay maging isang kawan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025