Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
“Dalaw ng pagmamahal.” Kung paanong sinimulan natin ang buwan ng Mayo sa pamimintuho kay San Jose, ang huling araw ng Mayo naman ay nakatalaga kay Maria sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng kanyang Pagdalaw sa kanyang pinsang si Elizabeth. Isa sa tradisyon at kaugalian
nating mga Pilipino ay ang pagdalaw o pagbisita. Marami tayong dahilan ng pagdalaw. Dumadalaw tayo sa maysakit. Dumadalaw tayo sa nasa malayong miyembro ng pamilya, sa kaibigan, kamaganak na gusto nating makita. Ang bawat pagdalaw kung dalaw ng pagmamahal ay nagdudulot ng
panibagong lakas, sigla at galak sa dumalaw at dinalaw. Ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth ay nagdulot ng kagalakan at pagpapala hindi lang sa kanilang dalawa kundi pati sa mga sanggol
sa kanilang sinapupunan. Sumikad sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan
ni Elizabeth. At napaawit naman si Maria sa galak at dinakila ang Panginoon sa kanyang pagalaala sa kagandahang-loob, pagpapala at pagmamahal ng Diyos sa kanya. Siya ang ang dalagang Sion, ang dalagang Jerusalem sa Unang Pagbasa na inaanyayahang magsaya at magalak ng buong puso dahil kapiling nya ang Diyos at kanyang tagapagtanggol. Kaisa ni Maria, maging daluyan nawa tayo ng pagpapala at tagapaghatid ng kagalakan ng Panginoon sa ating mga pagdalaw.
© Copyright Pang Araw-araw 2025