Ebanghelyo: Juan 17:1-11a
Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka ng Anak dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang
tanging totoong Diyos at si Jesucristong sinugo mo. Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin para trabahuhin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo. Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ibinigay mo sa akin. Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.
Pagninilay
“Magsusulit sa Kanya.” May kasabihan si Juan dela Cruz, isang paring Karmelita, “Sa gabi ng ating buhay magsusulit tayo sa pag-ibig. Sa Unang Pagbasa, ipinatawag ni San Pablo ang matatanda sa Efeso upang magpaalam sa kanila. Sa kanilang harapan, buong kapakumbabaang siyang
nagsulit ng kanyang mga nagawa mula sa unang araw ng kanyang pagdating sa kanilang piling. Sinabi niya na wala siyang anumang
pananagutan sa kanila sapagkat nagampanan niya ang kanyang tungkulin na ipahayag ang Mabuting Balita. Sa ating Mabuting Balita, ang Panalangin
ng Punong Pari ay panalangin ng Panginoon sa kanyang Ama para sa alagad bago siya lumisan sa mundo. Sa panalanging ito, para din siyang
nagsusulit sa harapan sa Kanyang Ama ng kanyang mga ginawa sa lupa. Sinasabi Niya na “Mission accomplished!” Niluwalhati Niya ang Ama sa pagtupad niya sa lahat ng ipinagagawa sa Kanya ng Ama, kaya Kanyang hiniling na luwalhatiin din Siya ng Ama. Ang buhay natin sa lupa ay “practicum” at “review” sa pagsusulit sa pag-ibig. Dapat lagi tayong handa sapagkat ang pagsapit ng oras ng kamatayan ay parang “surprise quiz.” Dadating ang Panginoon, haharap tayo at magsusulit sa kanya. At sasabihin
ng Panginoon, “Ready or not ready, pass your papers!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025





