Ebanghelyo: Juan 17:11b-19
Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin. Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan. Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang
mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama. Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang
salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.
Pagninilay
“Ang Diyos ay Katotohanan.” Ang Diyos ay katotohanan. Ang katotohanan ay parang ilaw. Kung paanong inilalantad ng liwanag ang mga nakatagong
kalat at dumi sa sulok ng ating tahanan, gayon din inilalantad ng Diyos ang ating mga nakakubling kasinungalingan at kasalanan na ayaw tingnan.
Sa Unang Pagbasa, sa paglilingkod ni San Pablo sa simbahan, pinabanal siya sa katotohanan. Nakilala niya ang simbahan na banal at makasalanan, kaya inihabilin niya sa mga matatanda sa Efeso na ingatan ang sarili at ang kawan. Sa ebaghelyo, idinadalangin ng Panginoong Jesus sa Diyos Ama ang kanyang mga alagad upang sila’y pabanalin sa katotohanan. Kaya nga kung sa ating pagsimba, tinatamaan na tayo ng mga pagbasa na dati wala lang, pinababanal tayo sa katotohanan. Kung nakikita na natin ang ating mga masamang ugali at di maayos na ugnayan, pinababanal tayo sa katotohanan. At kung naririnig na natin at di na tayo nagbibingibingihan
sa panaghoy ng mga dukha at nasa laylayan ng lipunan, pinababanal tayo sa katotohanan. “Pabanalin mo sila sa katotohanan.” Ang panalangin ng ating Panginoong Jesus na Punong Pari para sa kanyang mga alagad noon
ay siya rin panalangin niya para sa atin hanggang ngayon. Kung paano tumugon, ito ang hamon sa atin ngayon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025