Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa:
“Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan:
“Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakadlakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At
pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
“Iniibig mo ba ako?” Isang katotohanan sa buhay ang pagtanda. Ang mahirap sa pagtanda maraming bagay ang hindi na natin magagawa.
Kailangan nating matutong magpaubaya. Si Sr. Carmela ay isa sa mga tagapagtatag ng Karmelo. Maraming beses namin siyang naging prayora at tagapaghubog hanggang sa siya ay nagkadementia noong 2015 sa edad
na 81. Malaking “shift” ito sa kanyang buhay. Isang karanasan ng pagdadalisay. Bagama’t ayaw na ayaw niya, natuto siyang magpatulong
at magpaalaga. Natuto siyang magpaubaya. Natuto siyang magtiwala at umasa sa pagkalinga ng Panginoon sa kanyang pagtanda. Ito ang mensahe ng ebanghelyo. Dadating ang panahon sa ating pagsunod sa Panginoon na
dadalisayin Niya tayo. Susubukin ang ating pag-ibig. Dadalhin tayo kung saan hindi natin ibig. Ipagagawa ang hindi natin hilig. Tuturuan tayong idipa ang ating kamay, tanda ng ating ganap na pag-aalay ng buhay. Katulad ni Sr. Carmela, sa ating pagtanda, matuto nawa tayong magpaubaya sa Diyos. Idipa natin ang ating kamay upang maghari ang kalooban ng Diyos Ama sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025