Ebanghelyo: Juan 20:19-23 (o Juan 14:15-16, 23b-26)
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara
ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga
Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung
paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi
nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay
“Hininga ng Diyos.” Alam mo ba na ang pinagmulan ng iyong hininga, aking hininga, at hininga ng bawat may buhay ay iisa? Ang sinaunang hininga, ang “Ruach” o hininga ng Diyos, ay naroon na bago pa nilikha ang lahat. Ayon sa Aklat ng Genesis 1:2, wala pang hugis o anyo ang lupa, at nababalot pa ng kadiliman ang kailaliman, subalit kumikilos na ang Espiritu ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin kung paanong ang Espiritu Santo, sa pamamagitan ng presensya ng malakas na hangin at sa anyo ng dilang apoy ay pumuspos at lumukob sa mga alagad. Nagdulot ito ng pag-unawa bagama’t magkakaiba ang kanilang lahi at wika. At nagbunga ng pagkakaisa sa iisang pananampalataya. Ito ang pagkakaisa sa Espiritu na ipinangangaral ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ayon sa kanya, iisa ang Espiritung pinagmumulan ng lahat ng kaloob. Kaya nga hindi tayo dapat managhili sa isa’t isa sapagkat ang kaloob sa isa ay para sa lahat. Sa Espiritu Santo, tayo ay iisa. Sa Mabuting Balita, taglay ang kapayapaan at kagalakan, hiningahan ng Panginoon ang mga alagad, tinanggap nila ang Espiritu Santo, at sila’y kanyang isinugo. Kung may mga pagkakataon na pakiramdam mo nag-iisa ka. Damhin mo at humugot ka ng
malalim na hininga at alalahanin mo na ang iyong hininga ay hininga ng Diyos at hininga ng bawat tao at nilalang na may buhay. Kaisa ang Espiritu Santo, di ka nag-iisa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025