Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
“Sa mata ng pag-ibig.” Isang gabi na bilog ang buwan, tinawag ko ang mga kapatid kong mongha na sumilip sa bintana upang pagmasdan ang kagandahan ng buwan. Ang sabi ng isa, “Wow! Ang romantic naman!” Ang sabi naman ng isa, “Nakakatakot! Parang sa horror movie.” Habang ako’y walang ibang nakita liban sa kagandahan ng bilog na buwan. Pare-pareho
kami ng tinitingnan subalit iba’t iba ang nakikita. Ganyan din tayo sa pagtingin sa ating kapwa. Madalas panlabas lang ang ating nakikita at nakabatay ang ating paghatol sa kung ano ang laman ng ating isip at kalooban. Sinasabi ng Panginoon sa Mabuting Balita, huwag tayong
humatol nang hindi tayo hatulan. Inaanyayahan din Niya tayo na panatiling malinis ang mata ng ating kalooban upang maging malinaw at malinis ang ating pagtingin sa iba. Kaya nga sa Unang Pagbasa, dahil sa malinaw ang mata ng pananampalataya ni Abram, sumunod siya sa tawag ng Diyos na lisanin ang kanyang bayan at magtungo sa lupaing hindi pa niya nakikita. Dahil dito, napakita sa kanya ang Panginoong Diyos at siya’y pinagpala bilang Ama ng Pananampalataya. Hilingin natin ang biyaya ng malinis at dalisay na kalooban upang makita natin ang Panginoon at makita ang lahat sa mata ng pag-ibig Niya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025