Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
“Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.
Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay
kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
Pagninilay
“Lahat ay mamamatay at haharap sa Diyos.” “At pagkatapos, ibinigay niya ang mga tagubiling ito: “Malapit na akong yumao sa aking mga ninuno!” Tatlong bagay ang hindi natin alam: kalian tayo mamamatay, saan tayo mamamatay, at paano tayo mamamatay. Subalit ang sigurado, lahat tayo mamamatay at haharap sa Diyos. Ang bilin ni Jakob ay ilibing siya kasama ang kanyang mga ninuno. Ano ba ng gusto nating ibilin sa ating mga maiiwan? Magkaroon tayo ng simpleng ataul? Simpleng burol? Simpleng libingan? Ano ang gusto nating iwanan sa ating mga mahal sa buhay? May kayamanan ba tayong maipapamana sa kanila? May mga prinsipyo sa buhay na gustong ituro sa kanila? May mga leksyon sa buhay na gusto nating iwanan? Si Emperor Alexander ay may tatlong habilin: mga magagaling na doktor ang magdadala sa kanyang ataul upang malaman ng tao na kahit na ang pinakamagagaling na doktor ay walang kakayahang
pigilin ang kamatayan. Isabog ang kayamanan niya sa daan upang makita ng mga tao na hindi niya madadala ito. Ang mga kamay niya ay nakalabas sa ataul upang ipakita na walang laman ang kanyang mga palad.
© Copyright Pang Araw-araw 2025