Ebanghelyo: Mateo 11:20-24
At sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo:
Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.
Pagninilay
“Kumatok ang Diyos sa kanilang puso.” “Sawimpalad kayo mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na silang nagsisi…” Ang mga himalang
ginawa ni Jesus ay hindi lamang “ma-entertain ang mga tao,” ang mas malalim na dahilan ay makita nila ang pangangailangan na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbagong buhay. Ngunit hindi ito nangyari sa Corozain at Betsaida. Naroon ang kalungkutan sa pananalita ng Panginoon,
sayang ang pagkakataon na dumating ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus subalit hindi nila siya nakilala. Dumating ang pinakahihintay na Mesiyas sa
loob ng mahigit na limang-daang taon subalit hindi nila pinansin. Kumatok sa ang Diyos sa kanilang mga puso subalit nanatiling matigas ang kanilang kalooban. Sa ating buhay, naranasan ba natin ang pagdating ng Panginoon? Ano ang naging tugon natin?
© Copyright Pang Araw-araw 2025