Ebanghelyo: Lucas 9:28b-36
Mga walong araw pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito, isinama niya sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. At habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting
nagningning ang kanyang damit. May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem.
Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. Nang papalayo na ang mga iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: “Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi niya alam ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumilim sa kanila; at natakot sila pagpasok nila sa ulap. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.
Pagninilay
“Ito ang pinakamamahal kong Anak.” Umakyat sa Bundok ng Tabor si Jesus kasama sina Pedro, Santiago at Juan, mga pinakamalapit na apostol kay Jesus. Doon sa tuktok ng bundok, habang nananalangin ay nagbagong anyo si Jesus at may tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak, pakinggan ninyo Siya!” Malapit na ang Biyernes Santo, malapit na ang kanyang paghihirap at kamatayan sa krus. Gustong ipakita ni Jesus sa mga alagad na hindi matatapos ang lahat sa kamatayan. Pagkaraan ng tatlong araw, siya ay mabubuhay na mag-uli. Gagapiin ang dilim ng kamatayan at magniningning ang liwanag ng Muling Pagkabuhay. At sinumang nananalig sa kanya ay makikibahagi din sa kanyang tagumpay. Nakikipagusap si Jesus kay Moises at Elias, ang pinag-usapan nila ay ang “Exodo” ni Jesus. Kung paanong ang mga Israel ay lumikas sa Ehipto at naglakbay sa lupang pangako, gayundin naman ay maglalakbay si Jesus mula sa kanyang paghihirap, kamatayan at siya daratal sa kanyang Muling Pagkabuhay. Ang mga salita mula sa langit ay para din sa atin sa mga panahon na tayo’y dumaraan sa matinding pagsubok. Sa pananalangin at pananalig ay ating maririnig ang mga kataga: “Ikaw ang aking mahal na anak, na lubos kong kinalulugdan”.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




