Ebanghelyo: Mateo 19:13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila
ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
Pagninilay
“Ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga bata .” Sa ating kapanahunan, nariyan ang kampanya upang mapangalagaan ang karapatan ng mga bata. Bawal na ang “corporal punishment” sa bahay o sa paaralan. Mas pinahahalagahan ang makataong pagdidisiplina ng mga bata sa pamamagitan ng mahinahong pakikipag-usap at pagpapaliwanag kung ano ang tama at mali. Nariyan din ang kampanya laban sa “human trafficking” ng mga bata kung saan parang commodity na ipinagbibili sa mga may salapi. Nariyan din ang kampanya na ang bata ay may karapatan sa “education at basic health care” na dapat ginagawa ng mga magulang at ng pamahalaan. Noong kapanahunan ni Jesus, ang mga bata ay halos walang
karapatan, kung ano ang gusto ng magulang ay masusunod na para bagang sila ay “property” lamang. Ang gusto ng magulang ang masusunod kung sino ang kanilang mapapangasawa. Yung ibang magulang, ginagawa pang
pambayad ng utang ang kanilang anak o kaya’y ipinagbibili bilang alipin ng mga mayayaman. Subalit para kay Jesus, ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga bata. Ginawa pa silang halimbawa kung nais ninuman na makapasok sa Langit. Kapatid, ipinagtatanggol mo ba ang karapatan ng mga bata?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




