Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang
ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan
ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di
ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay!
Sapagkat mula ngayo’y magkakahatihati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa
biyenang babae.”
Pagninilay
“Ang apoy ng pagpapakasakit ni Jesus.” “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap!” Matalinhaga ang apoy na binabanggit ni Jesus, ano ang kahulugan nito? Alam natin ang maraming nagagawa ang apoy: nagluluto ng ating masarap na pagkain, nagbibigay ng liwanag kung wala tayong kuryente, nag-papaabo sa mga basura at maruruming waste ng ospital at noong panahon ng pandemya, nariyan ang “cremation” para sa mga namatay dahil sa “covid-19” upang hindi na makahawa pa ng iba. Anong apoy ba ng tinitukoy ni Jesus sa ebanghelyo ngayon? Ito ay ang apoy ng kanyang paghihirap, pagpasan ng mabigat na krus at kamatayan sa krus ng Kalbaryo. Ito rin ang kahulugan ng “binyag” na kailangan niyang madaanan upang maisakatuparan ang plano ng kaligtasan. Ang binyag ay ang paglubog sa tubig ng kamatayan at ang pag-ahon sa tubig ay ang estado ng bagong buhay sa Muling Pagkabuhay. At nariyan ang pangako na sinumang makibahagi sa kamatayan ni Jesus at makikibahagi din sa kanyang Muling Pagkabuhay. Kailangang mamatay tayo sa kasalanan at mabuhay bilang mga anak ng Diyos, tagasunod ni Kristo at templo ng Banal na Espiritu. Kapatid, nauunawaan mo ba ang malalim na kahulugan ng iyong binyag?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




