Ebanghelyo: Mateo 19:23-30
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?”
Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko,
tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
Pagninilay
“Hindi niya magawa ang hinihingi ni Jesus.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Ang konteksto ng mga salitang ito ay ang pag-alis ng mayamang binata na malungkot
dahil hindi niya magawa ang hinihingi ni Jesus na ipagbili ang kanyang kayamanan, ipamahagi sa mga dukha at sumunod kay Jesus. Hindi niya kayang iwanan ang kayamanan para sa kayamanang iniaalok ni Jesus sa langit. Mahirap, oo subalit hindi imposible kung makikita lamang ng mayaman ang sumusunod: Una, lahat ng kanyang kayamanan ay galing din sa Diyos at ipinagkatiwala lamang sa kanya. Ang Diyos talaga ang tunay na
may-ari. Pangalawa, bilang katiwala ng Diyos, dapat lamang na hanapin ang kalooban at plano ng Diyos para sa kayamanan sa mundo na gamitin para sa katarungan at pagmamalasakit sa mga dukha. Pangatlo, sa ating pagbabahagi, tinutularan natin ang mga unang Kristiyano sa Gawa ng Mga Apostol na nagbabahagi sila sa mga kapatid na may pangangailangan. At nagbibigay sila ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Pangapat sa ating pagbabahagi ating sinasalamin ang “Kabutihang-loob”(Generosity) ng Diyos. Ibinigay niya sa atin ang pinakamahalaga sa lahat, ang Kanyang Bugtong na Anak!
© Copyright Pang Araw-araw 2025




