Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa
pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay
“Magkakaroon ng bagong pag-aalay.” Sa unang pagbasa, nangako
si Yefte kay Yawe na kapag nagtagumpay siya sa pakikipagdigma,
iaalay niya sa apoy ang sinumang unang sasalubung sa kanya. Subalit ang pinakamamahal niyang anak na babae ang unang sumalubong sa kanya at dahil dito nagsisisi sa kanyang nagawa. Sa katunayan, hindi gusto ni Yawe
ang “human sacrifice” at ito yung nangyari sa tagpo ni Abraham at ng kanyang anak na si Isaak. Pinigil siya ng anghel ng Panginoon nang tangkang sasaksakin ang kanyang anak. Sa halip isang kambing ang ipinalit at ito ang inialay sa Diyos. Ang templo sa Jerusalem ay nakasentro sa mga susununging handog na maaaring buka, kambing, tupa o inahing batu-batu. Ang dugo ay kinukuha ng mga saserdote at pinadadaloy sa altar, samantalang ang mga laman at taba ay sinusunog upang magbigay na halimuyak sa Diyos. Maliwanag ang sinabi ni Jesus: “Gibain ang templong ito at itatayo ko pagkaraan ng tatlong araw.” Ito’y propesiya ni Jesus na tuluyan nang mawawak ang templo at ritwal ng pagsusunog ng mga hayop. Sa halip magkakaroon ng bagong pag-aalay, walang iba kundi ito ang alay ni Jesus doon sa krus ng Kalbaryo. Hindi na dugo ng hayop kundi ang mahal na dugo ni Jesus ang ibinuhos para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. At sa Banal na Eukaristiya, ating binabalikan at isinasapanahon ang dakilang pag-aalay na ito. Kapatid, pinapahalagahan mo ba ang pagaalay ni Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2025