Ebanghelyo: Mateo 23:27-32
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ang mga propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
Pagninilay
“Paglilingkod na walang hinihintay na kapalit.” Mabibigat ang mga batikos ni Jesus sa mga Guro ng Batas at mga Pariseo. Una, sila’y mapagkunwari.
Ibig sabihin iba yung panglabas sa panloob. Maaaring nakangiti sa iyo sa harapan subalit kapag nakatalikod ka na, galit at poot ang naroon sa kanilang mga puso. Sila yung nag-aanyung mabait na tupa subalit mga mababangis na hayop gubat pala. Sila yung mapuputing libingan subalit ang loob ay puno ng mga karumihan. Sila rin ay binatikos ni Jesus dahil
gusto nila ng mga tanging upuan sa mga pagdiriwang, gusto nila na sa kabisera umuupo dahil masyadong mataas ang tingin sa sarili at minamaliit naman ang iba. Sila rin yung mahilig ubusin ang salapi ng mga balo at ang idinadahilan ay ang kanilang mahahabang panalangin. Ang
manglingkod sa Diyos ay paglilingkod na walang hinihintay na kapalit maliban sa Kaharian ng Langit. Kapatid, ano ba ang inaasahan mo kapag naglilingkod ka sa Panginoon?
© Copyright Pang Araw-araw 2025