Ebanghelyo: Juan 3:13-17
Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit ang
Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa
pamamagitan niya.
Pagninilay
“Pasanin at yakapin ang sarili nating krus.” “At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin naman ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa Kanya.” Sa Bundok ng Nebo sa Jordan, mayroong napakalaking krus na nakapulupot ang malaking ahas na tanso bilang pag-aala saa nangyari sa Lumang Tipan. Nakalimot ang Israel sa kagandahang-loob ni Yawe at nahilig pa sa pagrereklamo laban kay Moises. Kaya sila ay pinadalhan ng ahas na makamandag at marami ang namatay. Nakipag-usap si Moises at humingi ng patawad sa mga kasalanan ng Israelita at ipinayo ng Diyos na gumawa ng tansong ahas at isabit sa isang puno. Sinumang nakagat ng makamandang na ahas at tumingin sa tansong ahas ay maliligtas. Sa ebanghelyo, ginamit ni Jesus ang pangyayaring ito sa Lumang Tipan upang ipaliwanag na kailangan ding siyang itaas sa puno ng Kalbaryo upang ang sinumang tumingin sa kanya at manalig ay maliligtas sa kanilang mga kasalanan. Ito ay nangyari sa magnanakaw sa tabi ni Jesus na matapang na nagsabi: “Jesus, alalahanin mo ako sa paraiso!” Sa pagdiriwang natin ng Pagpaparangal sa Krus, ating unawain ang kapangyarihan ng Krus at ang hamon sa ating pasanin at yakapin ang sarili nating krus sa buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




