Ebanghelyo: Lucas 8:4-15
Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga:
“Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga nang tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.
Pagninilay
“Ang matabang lupa.” “Nahulog ang iba sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga tig-iisang daan. Makinig ang may tainga.” Lumaki sa buhay
sa pagsasaka sa Bulakan, alam ko ang kahalagahan ng matabang lupa upang maka-ani ng sagana. Kapag mabato ang sakahan, konti lamang ang maaani subalit kung ng lupa at malalim at mataba, walang mga dawag at damo, ito ay magbibigay ng saganang ani sa magsasaka. Anong matabang lupa ang kailangan natin sa buhay espiritwal? Una, ang pananalig sa Diyos na ipinapakita sa pamamagitan ng pananalangin at buhay pagsamba. Pangalawa, ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa lalong higit sa mga dukha at nangangailangan. Pangatlo, ang mabuhay na may matibay
na pag-asa sa harap ng mga pagsubok ng buhay. Hindi agad sumusuko
dahil alam niya na nariyan ang Diyos na handang tulungan siya. Nagtagumpay na si Jesus laban sa kadiliman, kasakiman at kasalanan. Magtatagumpay din ang mga alagad niya kaya palagi niyang binabanggit: “Huwag kayong matakot! Kasama ninyo ako hanggang sa katapusan!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025




