Ebanghelyo: Lucas 16:1-13
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag. Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan
sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaansa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hind talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”
Pagninilay
“Ang Diyos ang tunay na may-ari.” “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan… Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na mangangasiwa.” May dalawang pananaw tungkol sa “ownership”. Una, yaong tinatawag na “absolute ownership” kung saan may isang tao na nagmamay-ari ng isang sukat ng lupa o isang business o isang capital na ginagamit bilang puhunan. Dahil siya ang “absolute owner” may karapatan siyang gawin kung ano ang kanyang maisip at desisyon: Gusto niyang gastahin lahat? Gusto niyang ipamuhunan sa bagong business? Sa kabilang dako, naroon naman ang pananaw ng “stewardship” o pagiging isang katiwala lamang. Ang Diyos ang tunay na may-ari, siya ang pinagmumulan ng lahay ng kayamanan sa lupa. Anumang mayroon tayo ay ipinagkatiwala lamang sa atin. Dahil katiwala mahalaga ang mga sumusunod: 1. Pasasalamat (Gratitude) sa pagtitiwala sa atin ng Diyos sa kabila ng ating mga kahinaan. 2. Ito’y biyaya (Grace) na dapat nating pahalagahan at gamitin upang umunlad pa ito. 3. Ito’y paanyaya na maging bukas-palad sa mga nangangailangan (Generosity). Kapatid, ikaw ba ay mabuting katiwala ng Panginoon?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




