Ebanghelyo: Lucas 8:16-18
Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag ni natatakpan na di mahahayag at malalantad. Kayat isipisipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”
Pagninilay
“Hayaan nating kumilos ang Diyos.” Ito ang pinasasabi ni Ciro… “Inatasan niya ako na magtayo ng isang bahay sa Jerusalem sa lupain ng Juda… Kayat tumindig ang ama ng mga angkan ng Juda at Benjamin, ang mga pari at mga Levita…” Ang pagkilos ng Diyos ay humihigit sa ating mga panukala at pag-iisip. Hindi pwedeng sabihin ninuman na sila lamang ang maliligtas. Ito’y paglapastangan sa kagandahangloob at kapangyarihan ng Diyos. Kayat maling-mali ang mga konserbatibong Israelita na nag-iisip na sila lang ang bayan ng Diyos. Sa kanila lamang ang pagliligtas na gagawin ni Yawe. Sa katunayan, sa unang pagbasa, tinawag niya si Haring Ciro, isang paganong hari upang gamitin siya ng Diyos upang pauwiin ang mga Israelita sa kanilang pagkatapon sa kanila sa Babylonia at ipatayo ang nasirang templo sa Jerusalem. Ginamit ni Jesus si Saulo na isang istriktong Pariseo at namuno upang pahirapan ang mga Unang Kristiyano, siya ang napiling Apostol sa mga Hentil. Huwag nating kulungin ang Diyos sa atiing makitid na pag-iisip. Hayaan nating kumilos ang Diyos ayon sa kanyang plano at kalooban. Magtiwala lamang tayo sa Kanya!
© Copyright Pang Araw-araw 2025




